TUGUEGARAO CITY- Umaaray ngayon ang mga vegetable farmers sa Sto. Niño, Cagayan sa napakababang presyo ngayon ng repolyo.
Sinabi ni Edgar Balatico, barangay chairman ng Palusaw na sabay-sabay kasi ang pagdating ng repolyo sa Don Domingo Public Market sa Tuguegarao City na binabagsakan nila ng nasabing gulay.
Ayon sa kanya, nagdatingan ang mga gulay mula sa Bambang, Nueva Vizcaya, Benguet, Isabela at Ilocos Region.
Dahil dito, P4 pesos na lang ang presyo ng repolyo na dati ay P15-17 ang farm gate price.
Bukod dito, sinabi ni Balatico na bukod sa lugi sila sa pagtatanim ng repolyo ay nasayang din ang kanilang pagod dahil sa hindi basta-basta ang pagtatanim ng nasabing gulay.
Dahil dito, sinabi niya na ipinamimigay nila o ipinapakain na lang sa mga alagang hayop ang hindi naibebentang mga repolyo.
Sinabi naman ni Jun Zaraga, isa ring vegetable farmer na P20, 000 ang gastos sa pagtatanim niya ng repolyo dahil kailangan din na gumamit ng pesticides upang hindi sirain ito ng mga insekto lalo na ngayong panahon.
Dahil dito, ang kanilang panawagan ay matulungan sila ng mga kaukulang ahensiya na makahanap ng market para sa kanilang mga produkto.
Ayon naman kay Efren Calano, dating researcher ng Philippine Council for Agrarian Reform Development sa Los Baños, Laguna na kawawa ang mga magsasaka sa Sto. Niño dahil sa ganitong sitwasyon.
Gayonman, sinabi niya na maaari namang matulungan sila ng kaukulang ahensiya tulad ng Department of Agriculture upang makahanap sila ng ibang market sa kanilang mga produkto.
Samantala, sinabi ni Calano na may plano siya na makapag-produce ng hanggang 40 tons ng papatas sa Sto. Niño.
Ayon sa kanya, malaking kita sa patatas lalo na kung may pagbebentahan sa mga ito.
Kasabay nito, sinabi ni Calano na kayang suplayan ng Sto.Niño ang Cagayan mga gulay dahil sa magandang lokasyon ng mga sakahan na malapit sa Chico River na maaaring pagkuhanan ng patubig.
Ayon sa kanya, maaaring ituring na “salad bowl” ng Cagayan ang Sto. Niño kung lalo pa itong mapapaunlad.
Kasabay nito, pinayuhan ni Calano ang mga magsasaka sa nasabing bayan na gawing pataba ang mga nabubulok na mga gulay sa halip na itapon.