Isang vehicular accident ang nangyari kaninang alas-4:10 ng hapon sa National Highway, Sitio Limbus, Barangay Rapuli, Sta. Ana, Cagayan.

Ayon sa ulat mula sa Sta. Ana Police Station, kinilala ang biktimang pulis na si PMAJ Ranolfo S. Gabatin, Chief of Police ng Sta. Ana MPS.

Base sa imbestigasyon, si Gabatin ay nagmamaneho ng kanyang color brown na TOYOTA Vios nang mangyari ang aksidente.

Samantala, ang sangkot na suspek ay kinilala bilang si Joseph Munzon Patalaga, isang 56-anyos na magsasaka, na nagmamaneho ng color silver na TOYOTA Hi-Ace Commuter De Luxe Van.

Ayon sa ulat ng Sta. Ana PS, pareho umanong papuntang hilaga ang dalawang sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Habang sinusundan ni Gabatin ang sasakyan ni Munzon, binusinahan niya ito at nag-signaling na mag-overtake dahil mabagal ang takbo ng Toyota Hi-Ace.

Nang mag-overtake si Gabatin at papunta na sa kanyang tamang lane, bigla umanong pinaandar ni Munzon ang kanyang sasakyan at pina-accelerate ito, na naging sanhi ng pagkakasagi sa likod ng sasakyan ni Gabatin.

Dahil dito, nawalan ng kontrol si Gabatin sa manibela at nag-rollover ang kanyang sasakyan.

Ang pulis ay nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at agad na dinala sa Father Gerry Filippeto Memorial Hospital sa Barangay Sta. Cruz, Sta. Ana.

Samantala ang suspek na si Munzon, ay agad na inaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Ana Police Station.

Ang dalawang sasakyan naman ay dinala sa Sta. Ana PS para sa karagdagang imbestigasyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente at ang mga susunod na hakbang ay isasagawa alinsunod sa batas.