TUGUEGARAO CITY – Mariing pinabulaan ni Robert Turingan,vice mayor ng Enrile,Cagayan ang paratang ng ng mag-asawa na coordinator ni Jhun Decena,tumatakbo sa pagka-alkalde sa nasabing bayan na di umano’y pinasok ang kanilang tahanan at pinagbantaan.

Ayon kay Turingan, hindi niya umano kilala ang mag-asawa na sina Mila at Robert Gante ng Brgy. Divisoria at wala na umano siyang panahon para manakot sa mga botante.

Aniya, sa panahon ngayon ay dapat kinukuha ang loob ng mga botante at hindi tinatakot.

Pinabulaanan din niya ang pahayag ng mag-asawa na sinabihan niya ang mag-asawa na papatayin niya si Decena, manalo o matalo siya sa eleksion.

Binigyan diin niya na hindi niya kayang pumatay at hindi niya sisirain ang kanyang pangalan.

-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi rin ni Turingan na kanyang ipinahukay ang kalsada papasok sa bahay ng kanyang katunggali sa pwesto na si Engr. Buboy Taguibao sa pagka-bise alkalde.

Aniya, wala umanong municipal project sa ngayon kung kaya’t hindi nito alam kung saan nanggaling ang nasabing isyu.

Kaugnay nito, nakatakdang bibisita ang Commission on Election (COMELEC) sa bayan ng Enrile sa araw ng bukas para alamin ang sitwasyon sa lugar.

Ayon kay Atty. Manuel Castillo Jr. ng COMELEC Region 2 ,kanila umanong titignan kung ano ang nararapat gawin para mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang kaguluhan sa Enrile sa pagitan ng mga kandidato.

Aniya, kung kinakailangan umanong mag-request ng karagdagang pulis sa lugar para magbantay ay kanilang gagawin masiguro lamang ang kanilang mapayapang halalan.

Dismayado rin si Castillo sa nasabing pangyayari dahil matapos ang kanilang mga isinagawang peace covenant ay may mga nangyayari paring hindi maganda sa pagitan ng mga mangkakatunggaling kandidato.

Kaugnay nito, muling nanawagan si Castillo sa mga kandidato maging sa mga supporters na maging mahinahon at maging patas sa mga katunggali.

Samantala, magsasagawa rin ng imbestigasyon ang PNP Enrile kaugnay sa nasabing usapin.