TUGUEGARAO CITY- Nakatakdang ipasakamay ng City Social Welfare and Development Office o CSWDO Tuguegarao sa DSWD sa Atimonan, Quezon ang isang 14 years na guest relation officer sa isang videoke bar.
Sinabi ni CSWDO head Myrna Te, na nalaman nila na nagtatrabaho ang isang dalagita sa Intensity Videoke bar mula sa isang indibidual na nakakita sa nasabing dalagita sa nasabing bar.
Dahil dito, sinabi ni Te na nakipag-ugnayan sila sa Atimonan para makuha ang larawan at birth certificate ng dalagita bago isagawa ang pag-raid sa nasabing bar.
Nadatnan naman ang dalagita sa nasabing bar sa operasyon.
Sinabi ni Te na isinara na ang nasabing bar dahil sa paglabag sa child trafficking.
Nabatid pa mula kay Te na kinausap niya ang mga naapektuhan ng pagpapasara NG bar na kausapin ang kapatid ng bar owner na may-ari din ng isang bar na lumipat na lang sila sa kanyang establishimento.
Sinabi ni Te na lalo na ang bar owner ng Intensity dahil sa siya single parent na ngayon ay buntis at mayroon pang ibang anak.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Arnaldo Guevarra ng vice president ng Bar Owners Association sa Tuguegarao na mas hihigpitan na nila ang regulasyon sa pagkuha ng mga trabahador sa mga bar.
Ayon sa kanya, kung kailangan na magsagawa ng araw-araw na inspeksion sa mga bar ay kanilang gagawin upang matiyak na wala nang makakapasok na mga menor de edad.