Binigyan ng Department of Justice (DOJ) hanggang Enero 26 si Senador Joel Villanueva upang magsumite ng kanyang counter-affidavit kaugnay ng isa sa mga kasong malversation na iniuugnay sa umano’y mga ghost flood control projects sa Bulacan.

Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, humiling ng palugit ang senador habang isinasagawa ng mga piskal ang preliminary investigation sa anim na reklamong malversation na kinasasangkutan ng mga kumpanyang Wawao Builders at Topnotch Catalyst Builders Inc.

Si Villanueva ay kabilang sa mga respondent sa tatlo sa anim na kasong malversation na kasalukuyang iniimbestigahan.

Sa kabuuan, 14 na reklamo na may kaugnayan sa kontrobersiya sa flood control projects ang nakabinbin ngayon sa DOJ.

Ang unang batch ay binubuo ng limang reklamo laban sa SYMS Construction, kung saan dalawa ang nairefer na sa Office of the Ombudsman at naisampa na sa Sandiganbayan, habang ang tatlo ay hinihintay pa ang resolusyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ang ikalawang batch, na kinasasangkutan ng Wawao at Topnotch, ay inaasahang maisusumite para sa resolusyon sa loob ng buwang ito.

Unang nadawit ang pangalan ng senador sa kontrobersiya matapos siyang ituro ng sinibak na si Bulacan first district engineer Henry Alcantara noong Setyembre 2025.

Mas maaga ngayong buwan, naghain na rin si Villanueva ng counter-affidavit sa isang hiwalay na kasong graft kaugnay ng umano’y ₱150 milyong kickback mula sa isang flood control project.