TUGUEGARAO CITY-Narekober ng isang magsasaka ang isang vintage bomb sa gilid ng ilog Cagayan sa bahagi ng Barangay Linao West dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Ayon kay Pcapt Jayson Macadangdang, head ng Cagayan Provincial Explosive Ordinance Disposal and Canine Unit , kasalukuyang nangunguha ng kahoy para panggatong ang magsasaka na si Mario Langcay,52-anyos sa gilid ng ilog Cagayan nang makita ang bomba na may haba na 52inches kung saan agad naman niyang ipinagbigay alam sa kanilang kapitan at ipinaabot sa kapulisan.
Sinabi ni Macadangdang na may bigat na 1000 pounds o katumbas ng halos 500 kilograms ang naturang bomba na maaring hindi sumabog noong world war 2.
Aniya, maaring naanod mula sa kalapit na lugar ang bomba kasabay ng paglaki ng ilog Cagayan nang maranasan ang malawakang pagbaha sa probinsya.
Sa ngayon,pansamantalang isinara ang lugar sa lahat ng mga residente bilang pag-iingat habang hinihintay ang backhoe loader na gagamitin para maialis ang bomba.
Nakatakda namang dadalhin ang bomba sa tanggapan ng Police Regional Office No.2 para sa kaukulang disposisyon.