Kinumpirma ng mga awtoridad na tugma sa paunang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang viral na dashcam video na kuha sa Kennon Road sa Benguet kaugnay ng pagkamatay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary na si Catalina Cabral.

Makikita sa dashcam video na kuha noong umaga ng Disyembre 18 ang isang SUV na nakaparada sa gilid ng kalsada at isang babaeng nakaupo sa konkretong harang. Sinabi ng NBI na ang video ay kaayon ng kanilang mga natuklasan, kung saan huminto umano si Cabral at ang kanyang driver habang patungo sa Baguio City.

Kinumpirma rin ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na authentic ang selfie na kuha ng driver ni Cabral at tumutugma sa taong nakikita sa dashcam footage.

Samantala, opisyal nang kinilala ng mga awtoridad na ang bangkay na narekober sa bangin ay kay Cabral. Ayon kay PNP Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakatuon na ngayon ang imbestigasyon sa pag-alam sa tunay na nangyari sa mga huling oras ng dating opisyal.

Bagama’t pumanaw na si Cabral, sinabi ng PNP na nagpapatuloy pa rin ang pag-secure ng ebidensya kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects. Noong Linggo, nagsagawa ng crime scene reconstruction ang PNP, kabilang ang CIDG at forensic units, sa Kennon Road.

-- ADVERTISEMENT --

Isinagawa rin ng NBI ang paghahalughog sa hotel room ni Cabral sa Baguio City matapos maglabas ng search warrant ang korte, na nagsasaad ng posibleng kaso ng murder o homicide. Ilan sa mga narekober ay mga personal na gamit, dokumento, at iba pang mahahalagang bagay.

Sa kasalukuyan, nasa isang memorial chapel sa Quezon City ang mga labi ni Cabral habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso.