Ipinag-utos na ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon ang agarang imbestigasyon sa insidenteng kinasasangkutan ng tauhan ng Land Transportation Office (LTO) – Region 7 sa Panglao, Bohol.
Mababatid na mabilis na nag-viral ang video kung saan makikitang tila sapilitang pinababa ng ilang LTO officers ang isang motorcycle rider sa Barangay Tawala, Panglao, Bohol.
Mapapansin din ang umano’y violent manner ng mga enforcers, na may pagtatangka ng pananaksak ng mga ito sa motorista, habang sumisigaw ang rider na siya ay isang magsasaka.
Depensa ng mga LTO personnel, nagmatigas umano ang lalaki at nakuha sa posisyon ng rider ang isang kutsilyo.
Idinahilan naman ng nasabing lalaki na kaya siya may dalang kutsilyo dahil isa siyang farmer ngunit tila binabaliwala lamang ito ng mga tauhan ng LTO.
Umani ng negatibong reaksyon mula sa mga netizen nang makita sa video na tila pagtangka ng enforcer na isaksak ang kutsilyo sa rider.
Ipinadala na ni Dizon si Assistant Secretary for Road Transport Jojo Reyes upang makalap ang lahat ng mahahalagang impormasyon, at makapagbigay ng agarang rekomendasyon sa kalihim sa susunod na 24 oras.