Tuguegarao City- Nakatakdang maglunsad ng “virtual kick of ceremony” ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa brigada eskwela at oplan balik eskwela ngayong taon.

Ito ay bahagi ng paghahanda ng kagawaran sa nalalapit na pagbubukas ng pasukan ng mga mag-aaral sa darating na buwan ng Agosto 24.

Sa panayam kay Ferdinand Narciso, Project Development Officer IV ng DepEd Region 2, hindi katulad ng tradisyunal na seremonya ang gagawing aktibidad dahil isasagawa ito sa pamamagitan ng “virtual media online”.

Aniya, bahagi na ito ng “new normal” na dapat makasanayan dahil pa rin sa banta ng COVID-19.

Ayon pa kay Narciso, may nakatalagang command center ang DepEd Central office kung saan limitadong bilang lang ng personalidad ang dadalo habang ang ibang opisyal sa ibang rehiyon ay dadalo sa pamamagitan na lamang ng online.

-- ADVERTISEMENT --

Pahayag pa nito ay magkakaroon din ng seremonya sa bawat rehiyon kung saan ay mahigpit ding ipatutupad ang mga precautionary protocol laban pa rin sa COVID-19.

Sa ngayon ay patuloy naman aniyang pinaghahandaan at pinag-aaralan ng DepED Region 2 ang iba pang mga dapat ipatupad na panuntunan kaugnay sa pagbubukas ng klase at pag-iingat pa rin sa nakakahawang sakit.