
Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang isang vlogger na umano’y iligal na nagsuot ng uniporme ng PNP, batay sa mga larawang kumakalat online.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, maaaring lumabag ang vlogger sa Article 179 ng Revised Penal Code o ang illegal use of uniforms or insignia. Inaalam din ng mga awtoridad kung paano nito nakuha ang naturang uniporme.
Hinihintay pa ang opisyal na resulta ng Regional Anti-Cyber Crime Unit kaugnay sa pagiging tunay ng kumakalat na larawan.
Sa hiwalay na pahayag, nagbabala si PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na ang pagpapanggap bilang pulis at hindi awtorisadong pagsusuot ng uniporme ay seryosong krimen at may katapat na parusa.
Sa ilalim ng Article 179, maaaring makulong ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan ang lalabag. Samantala, ang pag-agaw sa opisyal na tungkulin ng pulis sa ilalim ng Article 177 ay may parusang anim na buwan at isang araw hanggang apat na taon at dalawang buwan na pagkakakulong.
Nagpaalala rin ang PNP na labag sa batas ang paggawa at pagbebenta ng uniporme ng pulis nang walang pahintulot.
Samantala, inihayag ng National Police Commission (NAPOLCOM) na magsasampa ito ng kasong kriminal laban sa vlogger at nakipag-ugnayan na sa PNP para sa kaukulang aksyon.










