Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources o DENR region 2 na tumaas ang mga volunteers na nakilahok sa taunang International Coastal Cleanup o ICC dito sa Lambak Cagayan na isinagawa nitong araw ng sabado.

Ayon sa ahensiya, umabot sa 3009 volunteers mula sa 2000 individuals noong nakaraang taon ang nakilahok sa cleanup drive na isinagawa sa mga ilog at dalampasigan sa buong rehiyon.

Sa 96 na katuwang na organisasyon mula sa mga ahensya ng gobyerno, local government units, academe, at pribadong sektor na sumali sa iba’t ibang lokasyon sa buong rehiyon, ang paglilinis ngayong taon na may temang “Clean Seas for Blue Economy” ay binibigyang-diin ang panawagan na tiyaking mananatili ang ating karagatan bilang pundasyon ng isang umuunlad na blue economy habang pinapanatili ang kalusugan at produktibidad ng marine biodiversity.

Binigyang-diin ni Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR region 2 ang kahalagahan ng wastong pamamahala ng basura upang maiwasan ang mga basurang plastik na mapunta sa mga dagat at karagatan na sumisira sa marine biodiversity.

Pinasalamatan din ni Bambalan ang mga nakilahok sa aktibidad na may layong maitaas ang kamalayan ng publiko tungkol sa epekto ng plastic pollution sa marine life at ecosystems kung saan hinimok niya ang bawat mamamayan na tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan ng yamang dagat para sa susunod na henerasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na umabot sa mahigit 4,000 kg ng basura ang nakolekta mula sa 34.66 kilometro ng mga baybayin at ilog sa rehiyon.

Ang mga nakolektang basura, karamihan ay mga plastic at non-biodegradable materials ay maayos na itinapon sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units, habang ang mga maaaring i-recycle ay dinala sa pinakamalapit na local Materials Recovery Facility.

Ang ICC ay isang taunang clean up drive na isinasagawa tuwing ikatlong Sabado ng Setyembre sa Pilipinas sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 470 na nilagdaan noong 2003.