Maituturing umanong malaking ‘booster dose’ para sa demokrasya ang desisyon ng Commision on Election (COMELEC) na palawigin ang voters registration hanggang October 30.

Ayon kay mental health advocate at Akbayan Youth Chairperson Dr. Raymond John Naguit, kaisa ng grupo ang ibat-ibang organisasyon sa nagtulak na palawigin pa ang voters registration na magtatapos sana ngayong araw, September 30 ng kasalukuyang taon.

Makakabuti aniya sa demokrasya ang partisipasyon ng mas maraming Pilipino sa electoral process sa pamamagitan ng pagpaparehistro, na maraming beses naantala dahil sa lockdown restrictions na dulot ng COVID-19 pandemic.

Kasabay ng extension ng voters registration ay hinimok ni Naguit ang mga first time voters at sa mga hindi pa nakakapagparehistro lalo na sa sektor ng mga kabataan na huwag sayangin ang pagkakataon.

Aniya, ang pagboto sa 2022 local at national elections ay isang paraan para pumili ng mahusay na lider na mamamahala sa bansa at tutugon sa kinakaharap na pandemya patungo sa new normal.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Naguit na sa kabila ng mga lockdown ay mahalagang pangalagaan din ang ating mental health, tulad ng pag-aalaga natin sa ating physical health.