Naglabas ng babala ang Commission on Elections (COMELEC) laban sa kumakalat na pekeng Facebook post na nagsasabing may singil na P3,000 para sa voter registration.
Sa kanilang opisyal na advisory, mariing itinanggi ng COMELEC ang naturang impormasyon at binigyang-diin na hindi ito galing sa kanilang tanggapan.
Ayon sa ahensya, walang anumang bayad ang hinihingi sa sinumang nagnanais magparehistro bilang botante, at ang naturang karapatan ay garantisado ng Konstitusyon.
Iginiit din ng COMELEC na wala sa kanilang opisyal o verified social media accounts ang ganitong anunsyo.
Kasabay nito, inanunsyo rin ng COMELEC na umabot sa 2.8 milyong Pilipino ang nakapagparehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa loob lamang ng 10 araw ng registration drive na nagsimula noong Agosto 1.
Kaugnay nito, ipinaalala ni COMELEC Chairman George Garcia na magpapatuloy ang rehistrasyon para sa BSKE sa Oktubre ngayong taon.
Binalaan din ng COMELEC ang publiko na huwag mag-click sa mga kahina-hinalang link at tiyaking sa opisyal na website o verified social media pages lamang kumuha ng impormasyon.