Ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang nationwide voter registration na unang itinakda sa July 1 hanggang 11 bilang bahagi ng mga preparasyon para sa barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Disyembre.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, isasagawa ang voter registration sa huling linggo ng Oktubre pagkatapos ng Bangsamoro parliamentary elections, at ito ay magtatagal hanggang July 2026.
Ayon kay Garcia, ang bagong schedule para sa voter registration ay magsisilbing paghahanda para sa BSKE sa November 2026, sakaling pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas para sa pagpapaliban ng nasabing halalan.
Gayunpaman, sinabi ni Garcia na bagamat ipinagpaliban ang voter registration, magpapatuloy pa rin ang mga paghahanda nila para sa BSKE.
Idinagdag pa niya na kung pipirmahan ang panukala para maging ganap na batas, hahamunin pa rin ang legalidad ng pagpapalawig sa termino ng barangay at SK officials sa Korte Suprema.
Tinukoy ni Garcia ang inilabas ng Korte Suprema na temporary restraining order na nagsususpindi sa pagpapatupad ng batas na nagpaliban sa 2022 BSKE.
Samantala, nanawagan si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez kay Pangulong Marcos na lagdaan ang House Bill 11287, na humihiling na isagawa ang BSKE sa unang Lunes ng Novermber 2026 mula sa December 1, 2025 at palawigin ang termino ng mga barangay at SK officials.
Sinabi ni Rodriguez na makakatulong ito para maiwasan ang hindi kailangang paggasta ng pondo at logistics.