Nagpapatuloy ngayon ang voter registration na isinasagawa ng Commission on Elections (COMELEC) Baggao bilang bahagi ng paghahanda sa Barangay at SK Elections sa buwan ng Disyembre.
Sinabi ni Rigor Salvador, COMELEC Officer ng Baggao, na kabilang din sa tinatanggap nila ngayon ay ang mga indibidwal na nangangailangan ng reactivation, correction of entries at transfer.
Saad niya, bilang pagsunod sa mandato ng batas at upang maiparating ang serbisyo ng COMELEC sa mga komunidad ay magsasagawa sila ng dalawang magkasunod na araw na satelite registration ngayon sa barangay Agamman at bukas Hulyo 9 sa Brgy. Hacienda Intal.
target nila ang mga nasa malalayong lugar lalo na ang mga nasa hanay ng vulnerable sectors tulad ng mga may kapansanan, mga katutubo at iba pa upang hindi na sila bumiyahe pa ng malayo upang makapunta sa tanggapan ng COMELEC.
Mula aniya ng magsimula ang voter registration nitong Hulyo 4 ay umabot na sa 200 individuals ang nakapagparehistro kasama na ang mga kabataang boboto sa SK at iba pa para sa Barangay Election.
Umaasa si Salvador na madaragdagan pa ang bilang ng mga botanteng magpaparehistro sa kanilang bayan dahil nito lamang nagdaang national elections ay umabot umano sa higit 48k ang naging turnout ng voters sa kanilang bayan.
Nabatid na pangatlo ang bayan ng Baggao sa may pinakamataas na bilang ng botante sa probinsya habang pumangalawa ang Solana at nangunguna ang Tuguegarao City.
Paalala nito sa mga magpaparehistro na magdala ng kanilang valid IDs, kopya ng PSA Registration at iba pang kaukulang dokumento habang maaari na rin silang mag download ng registration form sa official website ng COMELEC.