Hinikayat ng Commision on Elections (COMELEC) ang mga bagong botante sa lalawigan ng Cagayan na samantalahin ang isat-kalahating buwan na voters registration upang makaboto sa 2023 Barangay at SK elections.
Ayon kay Atty. Michael Camangeg, election supervisor ng COMELEC-Cagayan na ang mga kuwalipikadong botante at mga magpapa-update ng kanilang datos ay maaaring bumisita sa Comelec office sa kanilang munisipalidad mula Lunes hanggang Sabado sa oras na alas 8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Para sa SK voters, ang aplikante ay dapat nasa pagitan ng 15 hanggang 30-anyos bago ang araw ng halalan habang sa Barangay voters ay 18 pataas ang edad.
Pinayuhan din ang mga aplikante na magdala ng kanilang valid proofs of identifications tulad ng kanilang Identification card o kung wala ay maaaring magpasama sa isang registered voter sa kanilang lugar upang siya ay kilalanin at may pipuirmahan na oath of identification.
Sinabi ni Camangeg na hindi nila kikilalanin ang barangay certification dahil kadalasan itong napupulitika.
Bukod sa pagpunta sa Comelec offices ay magkakaroon din ng mga offsite at special registration ang COMELEC sa mga piling lugar sa lalawigan sa mga susunod na Linggo.
Ang voters registration ay muling nagsimula nitong Disyembre 12 at magtatagal hanggang Enero 31, 2023.