Nasunog ang voting center sa Bangued, Abra kaninang madaling araw, ilang araw bago ang May 12 midterm elections.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), nangyari ang sunog sa Dangdangla Elementary School kaninang 4 a.m.

Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng nasabing sunog at kung ilang silid-aralan ang naapektohan.

Sinabi ng Comelec na dadalhin pa lamang sana sa nasabing voting center ang automated counting machines bago ang sunog.

Ayon kay Comelec chairmen George Erwin Garcia, 70 percent ng voting center ang nasira.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, sinabi niya na ipinagpaliban muna ang final testing and sealing (FTS) ng ACMs.

Sinabi ni Garcia na hindi niya pinagbigyan ang rekomendasyon ng election officer ng Bangued na ilipat ang voting center sa mas ligtas na lugar at determinado siyang isagawa ang botohan sa Dandangla Elementary School sa Lunes, May 12.

Ayon kay Garcia, magtatayo sila ng makeshift sa nasabing lugar, dahil may natira pa namang dalawang classrooms at iisang presinto lang umano ang naapektohan.

Batay sa datos ng Comelec, ang Abra ay may 188,957 na rehistradong mga botante, at sa nasabing bilang, kabuuang 35,227 ang mga botante sa Bangued.

Ayon sa Comelec, may 24 voting centers sa Bangued na may 49 clustered precincts.

Nanagawan si Garcia sa mga botante sa Abra na manatiling kalmado dahil mayroon silang nakalatag na contingency plans para matuloy ang botohan sa nasabing lugar.

Kasabay nito, sinabi ni Garcia na bagamat may mga rekomendasyon na ilagay ang Abra sa Comelec control, pag-aaralan pa ng en banc ang peace and order situation sa lugar at ang rekomendasyon ng local peace and security cluster.