Surpresang dumalo si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong araw na ito para sa deliberasyon sa proposed budget ng Office of the President.
Una rito, nagkaroon ng privilege speech si Committee member and Manila Rep. Rolando Valeriano kaugnay sa nasabing usapin, kung saan binatikos niya si Duterte sa hindi pagdalo sa public hearings sa panukalang budget ng kanyang tanggapan.
Binigyang-diin ni Valeriano na ang pagtanggi ni Duterte na sagutin anng mga tanong sa kanyang panukalang budget at ang kanyang kuwestionableng paggasta sa nakaraang budget ng OVP ang dahilan ng pagdinig.
Sinabi ni Valeriano na ang palaging sinasabi ni Duterte na bahala na ang kongreso kung ano ang gagawin nila sa budget ng OVP at isang palusot para hindi magbigay ng patunay sa paggagamitan ng kanyang pondo.
Ang tinutukoy ni Valeriano ay ang socioeconomic programs ng OVP, na para umano sa Metro Manila lamang at walang sinabi na allocation para sa mga probinsiya.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig, tumanggi si Duterte na manumpa, kung saan kinuwestion niya ang rules ukol dito ng nasabing komite.
Ayon sa kanya, siya ay inimbitahan bilang resource person at hindi witness, at batay sa rules ng komite, tanging ang mga witness lang ang dapat na manumpa.
Matapos ang ilang talakayan sa nasabing issue ay nagpasiya ang chairman ng komite na igalang ang desisyon ni Duterte.
Kasabay nito, muling sinabi ni Duterte na bahala na ang Kamara kung ano ang gusto nilang gawin sa budget ng OVP.
Ayon sa kanya, hindi niya sasagutin ang mga katanungan ng mga miyembro ng komite dahil ang layunin umano ng pagdinig ay para sirain ang kanyang pagkatao at ito ay isang uri ng pamumulitika.
Sinabi niya na ang kanyang layunin lamang ay para ipatupad ang kanyang tungkulin bilang pangalawang pangulo ng bansa.