
Dadalo si Vice President Sara Duterte sa preliminary investigation ng Department of Justice sa reklamo na inihain laban sa kanya ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kanyang mga banta na ipapapatay umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasabay nito, sinabi ni Duterte na nakatanggap siya ng summons mula sa Office of the Prosecutor kaugnay sa reklamo ng NBI laban sa kanya.
Ayon sa kanya, nagkausap na sila ng kanyang abogado at tinatapos na umano nila ang kanyang counter-affidavit.
Kaugnay nito, sinabi ni Prosecutor General Richard Fadullon, itinakda ang preliminary investigation sa reklamo sa May 9 at 16.
Matatandaan na inirekomenda ng NBI ang paghahain ng reklamong inciting to sedition at grave threat laban kay Duterte matapos niyang sabihin na may inutusan siya na papatay kay Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez kung magtatagumpay ang plano umano na pagpatay sa kanya.