Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi siya dadalo sa pagdinig ng kamara sa umano’y hindi tamang paggamit ng pondo ng kanyang tanggapan.
Kasabay nito, nanawagan siya sa kamara na tapusin na ang kanilang ginagawang imbestigasyon.
Sa sulat na may petsang September 23 at inilabas ng Office of the Vice President (OVP) kaninang umaga, sinabi ni Duterte na hindi na kailangan ang pagdinig at ito ay mula sa walang basehan na mga alegasyon mula kay Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano sa kanyang privilege speech.
Ayon kay Duterte na ang mga pahayag ni Valeriano ay madali lamang na maberipika sa kanilang accomplishment reports na isinumite ng OVP at sa reports ng Commission on Audit.
Idinagdag pa ni Duterte na ang imbitasyon ng komite ay kulang ng malinaw na legislative objective o comtemplated legistaltion na inaasahan mula sa mga deliberasyon.
Ipinunto din niya na ang Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation ng kamara ay hindi naaayon sa 1987 Constitution dahil ang mga ito ay hindi malinaw ang “inquiry” at “investigation” at “persons” at “witnesses.”
Binigyang-diin niya na ang mga hindi malinaw na rules o constitutional rules of procedure ay paglabag sa right to due process ng isang tao na humaharap sa committee hearings.
Iginiit din niya na hindi maaaring pilitin ng kamara ang sinoman na dumalo sa legislative process at ang karapatan na ito ay protektado ng Konstitusyon.
Dahil dito, iginiit niya ang kanyang hiling na tapusin na ang imbestigasyon.
Sinabi niya na anoman ang kanyang sasabihin sa nasabing pagdinig ay maaaring makasagabal o makakaapekto sa paghahatid ng hustisya.