Mayroon pa umanong halos 400 military at police officers na security detail si Vice President Sara Duterte sa kabila na binawi ng Philippine National Police ang 75 police personnel na security detail ng Pangalawang Pangulo.

Idinepensa ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang kanyang desisyon na tanggalin ang nasabing bilang ng mga pulis mula sa Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) bilang bahagi ng “rationalization” program upang mapabuti ang police visibility sa buong bansa.

Kinontra ni Marbil ang mga pahayag na binawi niya ang lahat ng police escorts ni Duterte dahil mayroon pa umanong 31 PNP members ang nasa VPSPG, ang bagong unit na inorganisa ng Armed Forces of the Philippines para kay Duyere sa unang bahagi ng kanyang termino bilang Vice President noong 2022.

Idinagdag pa ni Marbil na 358 AFP personnel ang nakatalaga sa VPSPG.

Ayon sa kanya, ito ay kabuuang 389 security detail ni Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na nitong nakalipas na linggo, sinabi ni Atty. Barry Guttierrez na nagkaroon lamang ng 83 security personnel si dating Vice President Leni Robredo, mula sa 108 noong 2016.

Ayon sa kanya, apat na beses na mas mataas ang security detail ni Duterte kumpara kay Robredo.

Sinabi pa ni Marbil sa mga Senador na walang nakitang anomang security threats laban kay Duterte at sa kanyang pamilya.