Inihayag ni Vice President Sara Duterte na walang ebidensiya na magpapatunay na gumawa siya ng criminal offenses na inciting to sedition at grave threat nang isiwalat niya ang pagpapatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, First Lady Liza Marcos, at Speaker Martin Romualdez.
Ito ang nakasaad sa kanyang counter affidavit na kanyang inihain sa National Prosecution Service’s Office sa Department of Justice kahapon ng hapon, kasama ang kanyang defense lawyers na sina Michael Poa at Paul Lim.
Binigyang-diin ni VP Duterte na mahigpit niyang itinatanggi ang mga paratang sa kanya.
Gayunpaman, sinabi niya na isa itong pagkakataon na mailatag ang mga facts at itama ang mga walang katotohanan na alegasyon laban sa kanya.
Kaugnay nito, sinabi ni Poa na hindi na kailangan na pumunta sa preliminary investigation si VP Duterte dahil ang mahalaga ay personal niyang ibinigay ang kanyang counter affidavit.
Tumanggi namang sagutin ni VP Duterte ang mga tanong sa kanya ng media dahil sa pinagbawalan siya ng kanyang legal team.
Ayon sa kanya, pwede umano siyang magsalita kung wala ang kanyang mga abogado.