
Nasa 30 hanggang 50 iba’t ibang uri ng baril ang umano’y hindi idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte, batay sa record ng Philippine National Police Firearms Division.
Ayon kay House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, kabilang ang impormasyon sa mga ebidensyang isusumite sa impeachment trial laban sa Bise Presidente kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Sinabi ni Ridon na kabilang sa mga hindi idineklarang armas ang mga rifle, revolver, pistol, at shotgun na umano’y nakapangalan kay VP Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, na tinatayang aabot sa milyon ang kabuuang halaga.
Dagdag pa ng mambabatas, patuloy na inaalam ng kanilang panig ang pinagmulan ng mga naturang armas at kung sino ang mga nagbenta nito.
Wala pang pahayag ang kampo ni VP Duterte kaugnay ng mga paratang.









