Inihayag ni Vice President Sara Duterte na minsan ay sinabihan niya si Senator Aimee Marcos na itatapon niya sa West Philippine Sea ang mga labi ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung hindi pa rin sila titigil sa mga bant at ipinupukol na mga issue sa kanya.

Ayon sa kanya, huhukayin umano niya ang bangkay ng kanilang ama at itatapon sa WPS.

Sagot ito ito ni Duterte sa isa sa tanong sa isinagawa niyang press conference sa Office of the Vice President, na kung wala bang utang na loob ang pamilya Marcos matapos na sa pamumuno ng kanyang ama na si dating Panngulong Rodrigo Duterte pinayagan na mailibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos Sr.

Samantala, nilinaw ni Duterte na hindi siya pinatatakbong presidente ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at 7 beses siyang kinausap ng dating pangulo na huwag tumakbo.

Ayon sa kanya, ginamit lamang aniya siya na tumakbo bilang vice president dahil malakas siya sa Visayas.

-- ADVERTISEMENT --

Kinausap aniya siya ni Senator Marcos na tumakbo bilang pangalawang pangulo upang talunin si dating Vice President Leni Robredo kung saan ay agad naman nitong sinang-ayunan ang Senadora.

Giit ni VP Sara na hindi umano sila mananalo sa Visayas region kung wala umanong suporta sa kanya.

Pinasaringan din ni VP Sara si President Ferdinand Marcos Jr. na hindi ito marunong maging presidente at hindi umano niya kasalanan na maaga siyang nagsabi na hindi siya tatakbo sa pagkapresidente.

Matatandaan na lumalabas sa imbestigasyon ng House Good Government and Public Accountability Committee na umabot ng P16 million ang nagastos ng OVP noong 2022 para sa safe house sa loob lamang ng 11 araw.