
Inihayag ni Vice President Sara Duterte na wala siyang kinukumpirma o itinatanggi kaugnay ng isyu hinggil sa ulat na bumisita umano siya kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa isang kulungan sa Taguig City.
Kasunod ito ng pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na siya ay bumisita umano kay Teves sa Camp Bagong Diwa.
Ayon kay Duterte, bahala na ang iba kung ano ang kanilang sasabihin, ngunit iginiit niyang hindi niya kilala si Ramil Madriaga.
Si Madriaga, na nakakulong sa Camp Bagong Diwa dahil sa kasong kidnapping for ransom, ay nagpakilalang dating aide umano ng Bise Presidente at nag-akusa na may mga ilegal na pondong ginagamit para sa isang political campaign na inuugnay kay Duterte.
Mariing itinanggi ni Duterte ang anumang personal na ugnayan kay Madriaga at sinabi na wala itong naipakitang ebidensya upang suportahan ang mga alegasyon.
Dagdag pa niya, tila desperado umano si Madriaga na makalaya kaya naglalabas ng maling pahayag upang sirain ang kanyang pangalan at posibleng pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa pamahalaan.










