Tinatanggap ni Vice President Sara Duterte ang inihain na impleachment complaints laban sa kanya.
Sinabi ni Duterte na mabuti na rin na inihain ang mga nasabing reklamo na nitong nakalipas na taon pa sinasabi ng mga mambabatas sa Kamara.
Bukod dito, sinabi ni Duterte na mabuti na rin ang impeachment complaint laban sa kanya dahil siya lang ang iimbestigahan at hindi na kasali ang mga kasamahan niya sa Office of the Vice President at mga dating kasama sa Department of Education.
Ang grounds of impeachment ay kinabibilangan ng mga issue sa paggamit ng confidential funds sa kanyang mga tanggapan at ang banta niya sa buhay nina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos and Speaker Martin Romualdez.
Inihain ang impeachment complaints sa kabila ng pagtutol ni Pangulong Marcos.
Sinabi pa ni Duterte na hindi siya magpapakita sa National Bureau of Investigation kaugnay sa sinabi niyang may nakausap siya na tao na papatay kina Marcos at ang kanyang asawa at kay Romualdez sa December 11.
Paliwanag niya, sa sinabi sa kanya ng kanyang mga abogado na puwede namang hindi pumunta sa imbestigasyon ng NBI at magsumite na lamang siya ng affidavit.
Bukod dito, may thanksgiving activities umano sila sa nasabing araw at pagkatapos nito ay uuwi siya sa Davao City para sa libing ng kanyang tiyuhin.