TUGUEGARAO CITY-Labis ang pasasalamat ni Batanes Governor Marilou Cayco sa pagbisita ni Vice President Leni Robredo sa kanilang probinsiya lalo na sa mga biktima ng magkasunod na lindol sa bayan ng Itbayat,kahapon.
Ayon kay Cayco, nagbigay ng relief goods at mga gamot ang bise presidente sa mga biktima ng lindol at nag-ikot lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Cayco na nagsabi umano ang bise presidente na kontakin lamang ang kanyang opisina kung ano pa ang kailangan ng mga residente at sa pagsasaayos sa lugar.
Bukod dito, sinabi ni Cayco na nangako rin si Vice President Robredo na magbibigay ng X-ray machine sa oras na matapos ang pagsasagawa ng ospital sa nasasakupang lugar.
Nabatid na kasama ng bise presidente na nag-ikot sa lugar si Undersecretary Ricardo Jalad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Samantala, sinabi ni Cayco na nakabalik na ang kalahati sa mga evacuees sa kanilang tahanan matapos kumpirmahin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOLS) na ang ilan sa mga kabahayan ay ligtas tirhan.
Ngunit,sa mga lugar na hindi idineklara ng Philvols na ligtas ay hindi pinayagang bumalik ang mga residente sa kani-kanilang tirahan.
Gumagawa narin umano ng paraan ang tanggapan ng gobernador para makabili ng kahoy at yero para makapagpatayo ng pansamantalang sisilungan ng mga evacuees kung sakaling uulan.
Kaugnay nito, labis din ang pasasalamat ni Cayco sa himpilan ng Bombo Radyo dahil sa tulong na pagbabahagi ng impormasyon ay naipapaabot sa kinauukulan ang kanilang kondisyon at pangangailangan kasunod ng naranasang lindol.