Pinasaringan ng Palasyo ng Malacañang si Bise Presidente Sara Duterte dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Ito ay matapos magbigay ng pahayag si Duterte na umano’y sangkot si First Lady Liza Araneta-Marcos sa isang insidente sa Amerika na nagresulta sa pagkamatay ng isang tao at may koneksyon sa ilegal na droga.
Ayon kay Duterte, ito raw ang dahilan kung bakit inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang itago ang isyu ng Unang Ginang.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang katotohanan ang mga sinabi ng Bise Presidente at siya na mismo ang nagpapakalat ng fake news.
Ipinaliwanag ni Castro na noong Marso 10, bumalik na sa Pilipinas si First Lady Marcos at dumalo siya sa isang opisyal na aktibidad ng Girl Scouts of the Philippines noong Marso 11.
Dahil dito, hindi puwedeng konektado siya sa insidente sa Amerika.
Dagdag pa ni Castro, hindi rin tama na palabasin ni VP Sara na peke ang aktibidad ng Girl Scouts of the Philippines.
Binanggit din ng Malacañang na nararapat nang tanungin kung dapat pa bang paniwalaan ang mga pahayag ni Bise Presidente na siyang nagiging sanhi ng maling impormasyon at disimpormasyon.