Pinabulaanan halos lahat ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon sa impeachment complaints bago pa man maihain ang mga ito sa Kamara.

Kinabibilangan ito ng paggamit ng confidential funds, na ayon sa kanyang kampo ay ipapaliwanag nila sa Commission on Audit (COA).

Pinabulaanan din niya ang alegasyon ng panunuhol sa ilang opisyal ng Department of Education (DepEd) at sinabing kuwestionable ang kredibilidad ng ilan sa mga ito, kaya tinanggal ang mga ito.

Una nang itinanggi ng mga Duterte na mayroon silang hidden wealth o itinatagong yaman.

Dumistansiya rin si VP Duterte sa pagbatikos ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Mausig rally noong January 2024.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, pinabulaanan din ni VP Duterte na ang sinasabing banta niya kay Marcos ay isang assassination plot.

Na-impeach si VP Sara sa Kamara sa pamamagitan ng 215 na miyembro na nag-endorso sa verified complaint laban sa kanya, kung saan ipinadala ito sa Senado para sa kanyang impeachment.

Ang impeachment laban sa bise presidente ay base sa Culpable Violation of the Constitution, Betrayal of Public Trust, Graft and Corruption, at Other High Crimes.

Ang tunay na pinag-ugatan ng impeachment complaint ay mula sa imbestigasyon ng House Good Government and Public Accountability Panel sa confidential funds ng Office of the Vice President at DepEd sa pamumuno noon ni VP Duterte.