Matapang na sinagot ni Bise Presidente Sara Duterte ang patutsada ng Malacañang na bigo umano siya bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sa isang panayam mula The Hague, Netherlands, isiniwalat ni Duterte na mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. pa raw ang nag-alok sa kanya ng panibagong posisyon matapos siyang magbitiw sa DepEd, patunay umano na hindi siya itinuturing na palpak sa trabaho.
Mas tumindi pa ang banat ni VP Sara nang sabihin niyang amoy alak si Marcos noong araw na personal niyang isinumite ang kanyang resignation.
Ayon sa kanya, alas-10:30 pa lang ng umaga ay naamoy na niya ang alak sa pangulo, bagay na lalong nagpadiin ng kanyang desisyong bumitiw.
Mariin naman itong itinanggi ng Palasyo sa pamamagitan ni Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.
Aniya, walang katotohanan ang mga alegasyon ni Duterte at isa lamang umano itong taktika upang siraan ang Pangulo.
Binasag rin ni Castro ang depensa ni Duterte sa kanyang pamumuno sa DepEd, at muling iginiit na “complete failure” ang naging performance nito sa loob ng dalawang taon sa ahensiya.