Plano ni Vice President Sara Duterte na magsulat ng isa pang libro,at sa pagkakataong ito, ito ay tungkol sa pagtraydor ng isang kaibigan.
Ito ay kasunod ng sagutan nila ni Senator Risa Hontiveros sa pagdinig sa budget ng Office of the Vice President para sa 2025, kung saan ay tinanong ng Senadora ang tungkol sa P10 million na inilaan sa tanggapan ni Duterte para sa nilimbag niyang libro para sa mga bata na may pamagat na “Isang Kaibigan.”
Inakusahan ni Duterte si Hontiveros ng pamumulitika sa kanyang budget.
Idinepensa rin ni Duterte ang kanyang sarili sa mga alegasyon ng plagiarism matapos na mapansin ng ilang katao ang pagkakapareho ng libro tungkol sa pagkakaibigan ng isang owl at parrot sa isa pang libro para sa mga bata.
Ipinost ng kilalang author na si Ninotchka Rosca sa kanyang social media ang cover ng kanyang Owly series “Owly: Just a Little Blue,” ang ikalawang libro sa series ng American Author na si Andy Runton na inilabas noong 2006.
Ito ay tungkol sa malungkot na maliit na owl na si Owly na palaging naghahanap ng bagong kaibigan.
Subalit, sinabi ni Duterte na madali lang na magsulat ng libtro base sa iyong karanasan at hindi na kailangang mangopya sa iba.
Binigyang-diin pa ni Duterte na ang layunin ng libro ay para mahikayat ang mga bata na maging mahilig sa pagbabasa at magsulat ng kanilang sariling kuwento.