Hindi dumalo si Vice President Sara Duterte at ang kanyang mga tauhan mula sa Office of the Vice President (OVP) sa plenary deliberations ng Kamara hinggil sa panukalang P902-milyong pondo ng kanilang tanggapan para sa 2026.

Ayon sa ulat, naglatag umano ng ilang kondisyon ang Pangalawang Pangulo bago siya humarap sa deliberasyon, kabilang na ang pagpapatunay na tinanggal na ng Department of Justice ang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa ilang opisyal ng OVP na kaugnay sa kontrobersiya sa P625-milyong confidential funds noong 2022 at 2023.

Bahagi rin ng kondisyon ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa deliberasyon ng panukalang P27.3-bilyong pondo ng Office of the President.

Dahil sa kawalan ng kinatawan ng OVP, hindi na natuloy ang interpellation para sa kanilang pondo.

Sa halip, ilang kongresista ang nagpahayag ng pagkadismaya at tinawag itong malinaw na kawalan ng respeto sa institusyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, iginiit ng ilang mambabatas na dapat unahin ang transparency at tamang pagpapaliwanag hinggil sa paggamit ng pondo, lalo na’t pera ng taumbayan ang nakataya.