
Hindi personal na haharap si Vice President Sara Duterte sa pagbubukas ng kanyang impeachment trial ngayong araw.
Kinumpirma ito ng isa sa kanyang legal counsel na si Atty. Michael Poa, na nagsabing pinili ng Bise Presidente na humarap sa Senado bilang impeachment court sa pamamagitan ng kanyang mga abogado, alinsunod sa umiiral na impeachment rules.
Ayon kay Poa, karapatan ni Duterte na katawanin ng kanyang legal counsel sa pagbubukas ng paglilitis at, sa ngayon, wala siyang planong dumalo nang personal sa unang araw ng trial.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Duterte na ang pagharap sa pamamagitan ng abogado ay hindi nangangahulugang umiiwas siya sa pananagutan o kulang sa transparency. Aniya, ang integridad ng impeachment trial ay nakasalalay sa pagsunod sa Konstitusyon at due process, at hindi sa personal na pagtestigo ng respondent.
Kasabay nito, pinatutsadahan din ng Bise Presidente si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos nitong sabihin na kung siya ang nasa katayuan ni Duterte, personal siyang haharap sa impeachment court kahit pa salungat ito sa payo ng kanyang mga abogado.
Ayon kay Duterte, walang halaga ang personal na opinyon ng Pangulo sa isang impeachment proceeding dahil ang proseso ay dapat umanong nakabatay sa Konstitusyon at sa umiiral na batas.
Dagdag pa niya, mas nararapat na umasa ang mga opisyal ng gobyerno sa batas, mga umiiral na polisiya, siyentipikong ebidensya at obhetibong katotohanan sa pagtalakay ng mga usaping may kinalaman sa publiko, sa halip na magbigay ng personal na pananaw.








