Hahainan ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) si Vice President Sara Duterte sa lalong madaling panahon.
Ito ay bunsod ng umaarangkada nilang imbestigasyon hinggil sa mga bantang binitiwan nito noong Sabado laban kay Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na dahil napatunayan nang hindi gawa sa artificial intelligence at deepfake ang video ng pangalawang pangulo, isusunod na nila ang iba pang mga hakbang para matukoy at matunton ang kinaroroonan ng sinabi nitong assassin na kanyang kinontrata para pumatay sa mag-asawang Marcos at kay Romualdez.
Saka lang aniya magkakaroon ng kalinawan ang mga naging pahayag nito kung haharap si Duterte sa NBI, sa bisa ng kanilang subpoena.
Nagtutulong-tulong ngayon ang mga ahensya sa ilalim ng Department of Justice para sa ikalulutas ng kontrobersyal na mga pahayag ni Vice President Duterte.