
Posibleng mapilitang personal na humarap si Vice President Sara Duterte sa impeachment court upang sagutin ang mga isyu kaugnay ng kanyang tax records at umano’y mga financial discrepancies, ayon sa batikang abogado na si Atty. Jojo Lacanilao.
Sinabi ni Lacanilao na bagama’t maaaring ang mga abogado lamang ang kumatawan sa Bise Presidente, may mga usaping mas nararapat na siya mismo ang magpaliwanag, kabilang ang umano’y pagkakaiba sa kanyang tax records at mga transaksyong pinansyal na nauna nang natalakay sa House hearings.
Idinagdag niya na nakadepende pa rin sa impeachment court kung ipatatawag si Duterte, batay sa magiging presentasyon ng House prosecution panel.
Naniniwala rin si Lacanilao na maaari ring ma-subpoena ang kontrobersyal na green box na naglalaman ng tax records ng Bise Presidente kahit naibalik na ito sa Bureau of Internal Revenue.










