Binabalewala ni Vice President Sara Duterte ang House security rules sa pamamagitan ng pananatili sa Kamara para suportahan ang nakakulong niyang mataas na aide.

Ang hindi karaniwan na hakbang na ito ni Duterte ay tiyak na lalo pang magpapalala sa tension sa pagitan nito at ng mga mambabatas.

Kahapon, tumanggi din si Duterte sa kahilingan ng Kamara na dumalo sa pagdinig ng komite kaugnay sa confidential funds ng Office of the Vice President.

Dahil dito, tinawag si Duterte na “brat” ng maraming mambabatas at hinala nila na ang kanyang layunin ay hindi para magbigay ng suporta sa kanyang chief of staff na si Zulieka Lopez, subalit ito ay para matiyak na hindi ito magsasalita tungkol sa kung saan niya ginamit ang secret funds ng kanyang tanggapan.

Sa isang press conference, sinabi ni Duterte na nahaharap siya sa mortal danger mula kay House Speaker Martin Romualdez.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, kung may mangyari sa kanya na masama sa loob ng kamara, may isang tao lang na gustong pumatay sa kanya, at ito ay si Romualdez.

Gayonman, sinabi niya na hindi ito gagawin ni Romualdez sa loob ng kamara kundi sa labas ng pasilidad.

Matatandaan na pumunta si Duterte sa detention facility ng Kamara noong gabi ng Huwebes para bisitahin si Lopez matapos siyang ikulong sa kapangyarihan ng cite for contempt dahil umano sa hindi pagsasabi ng kanyang mga nalalaman sa paggasta ng confidential funds ni Duterte.

Kasabay nito, sinabi ni Duterte na nauunawaan niya ang pagpatay sa kuryente at tubig sa opisina ng kanyang kapatid na si Congressman Paolo Duterte na kanyang tinutuluyan ngayon.

Sa press conference kagabi sa pamamagitan ng zoom, inihalimbawa niya ang Office of the Vice President kung saan mayroon aniya silang guidelines kung ano ang dapat gawin para makatipid sa pondo ng gobyerno kabilang na aniya dito ang pagpatay ng kuryente.

Pinuri naman ng Bise Presidente ang House of Representatives sa pagkakaroon ng naturang austerity measures.

Marami din umano siyang suhestiyon para kay Romualdez para maayos pa ang Batasan complex.

Nagbiro pa ang Bise Presidente na baka sa susunod na linggo ay siya na ang nakaupong House Speaker.