
Bumisita si Vice President VP Sara Duterte sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral kung saan siya nag-alay ng panalangin para sa kapayapaan, kaligtasan, at pagbabalik ng kanyang ama na si dating Pangulong FPRRD Rodrigo Duterte.
Ayon sa bise presidente, kasabay ng kanyang pagbisita ang pakikiramay sa mga biktima ng trahedya sa karagatan malapit sa Jolo noong Pebrero.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na bumisita siya sa naturang simbahan. Binalikan din niya ang nangyaring pambobomba noong Enero 2019 na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 18 katao at ikinasugat ng marami habang may ginaganap na misa.
Sinabi ni Duterte na bahagi ng adbokasiya ng kanyang tanggapan ang pagtulong sa mga komunidad sa kanayunan upang matugunan ang insurhensiya at maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Sa kanyang pagbisita, nagsindi rin siya ng kandila at nanalangin para sa kapayapaan ng bansa, kaligtasan ng mga Pilipino, at agarang pagbabalik ni dating Pangulong Duterte sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nakadetine ang dating pangulo sa The Hague kung saan siya haharap sa paglilitis kaugnay ng alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.










