Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa pamahalaan na magsagawa ng konkretong hakbang para suportahan ang mga biktima ng terorismo, kasabay ng paggunita sa International Day of Remembrance and Tribute to the Victims of Terrorism ngayong Biyernes.

Ayon kay Duterte, hindi sapat ang mga seremonya at sandali ng katahimikan bilang pag-alala sa mga biktima. Kailangan aniyang tiyakin ang hustisya, pagpapatupad ng mga polisiya, rehabilitasyon at sapat na tulong para sa mga pamilyang naapektuhan ng pambobomba, pangingikil at iba pang karahasan.

Hinimok din ni Vice President Duterte ang pamahalaan na palakasin ang seguridad ng mga komunidad, protektahan ang mga kabataan at tulungan ang mga biktima na makabangon upang magkaroon ng mas ligtas at maayos na kinabukasan.