Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga military reservist na protektahan ang demokrasya at isulong ang karapatang pantao sa bansa.

Sa kanyang mensahe para sa pagdiriwang ng ika-46 na National Reservist Week, binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga reservist sa panahon ng sakuna, krisis, at iba pang emerhensya.

Aniya, sa kabila ng kanilang mga tungkulin sa iba’t ibang larangan ng lipunan, nananatili ang kanilang dedikasyon sa pagsisilbi sa bayan.

Ipinahayag din ni Duterte na isa rin siyang reservist at nauunawaan niya ang sakripisyo at paninindigan na kaakibat ng pagiging bahagi ng hukbong sandatahan.

Hinikayat niya ang kanyang mga kapwa reservist na patuloy na ipaglaban ang katotohanan at maging matatag na tagapagtanggol ng mga karapatan ng bawat Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-pansin niya na ang pagiging reservist ay hindi lamang tungkol sa armas at disiplina, kundi pati na rin sa pagiging ehemplo ng malasakit at integridad.

Dagdag pa ni VP Sara, dapat magsilbing inspirasyon ang mga reservist sa mga kabataan sa pagpapakita ng pagmamahal sa bayan at tapat na serbisyo.

Aniya, sa panahon ngayon kung kailan maraming hamon sa lipunan, kailangang tumindig ang mga mamamayan — lalo na ang mga reservist — upang tiyakin na ang demokrasya ay mapanatiling buhay at matibay para sa kinabukasan ng sambayanang Pilipino.