
Ayon sa legal counsel ni Ramil Madriaga na si Atty. Raymund Palad, ang planong pag-waive sa bank secrecy ng kanyang kliyente ay maglalantad ng umano’y daan-daang milyong pisong dumaan sa mga bank account na nakapangalan dito.
Sinabi ni Palad na isasailalim sa imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council ang mga bank account at lilitaw ang mga bank transfer, online transactions, at cash deposits na dumaan dito. Ayon pa sa kanya, magpapatunay umano ito na si Madriaga ay pinagkatiwalaang empleyado noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw din ng abogado na hindi pa tiyak kung aktibo pa ang mga naturang account sa kasalukuyan.
Kasabay nito, binatikos ng kampo ni Palad ang umano’y pag-atake sa kredibilidad ni Madriaga mula sa kampo ni Vice President Sara Duterte, at iginiit na ito ay ad hominem at hindi tumutugon sa isyu ng confidential funds.
Ayon kay Palad, dapat harapin sa Kongreso ang mga alegasyon at ipaliwanag ang posisyon sa halip na atakihin ang personalidad ng witness.
Dagdag pa niya, handa umano silang maglabas ng mga live witnesses sa magiging Senate trial upang patunayan ang mga alegasyon kaugnay ng confidential funds, kabilang ang umano’y paggalaw ng pondo sa loob ng maikling panahon.









