TUGUEGARAO CITY-Nilinaw ng Provincial Climate Change Disaster and Risk Reduction Management Office (PCCDRRMO)-Cagayan na hindi related sa bagyong Falcon ang pagkamatay ng dalawang katao matapos malunod.
Ayon kay Retired Col. Anatacio Macalan, head ng PCCDRRMO-Cagayan, nalunod si Carlos Zedong, 45-anyos ng Gattaran, bago pa manalasa ang bagyong Falcon habang si Judith Berbano, 43-anyos ng Abulug ay pagkatapos manalasa ang bagyo.
Dahil dito, hindi umano ikinokonsidera ng kanilang hanay na “typhoon related” ang dalawang kaso ng pagkalunod.
Kaugnay nito, sinabi ni Macalan na walang casualty sa buong probinsiya sa pananalasa ng bagyong Falcon nitong nakalipas na araw.
Dagdag pa ni Macalan, nakauwi narin sa kanilang mga tahanan ang 540 families na binubuo ng 2,693 indibidwal na unang lumikas dahil sa bagyong Falcon.
Ngunit, hanggang sa ngayon ay nananatiling stranded ang 34 na pasahero sa pantalan ng Aparri na papunta sa Camiguin at Calayan island dahil sa malalaking alon ng dagat at sa binabantayang sama ng panahon na maaring tumama muli sa hilagang Luzon.