
Walang dagdag na sahod para sa minimum wage earners sa darating na Labor Day sa Mayo 1, 2026.
Ipinaliwanag ni Labor and Employment Undersecretary Benedicto Ernesto Bitonio Jr. na ang mga mangyayaring minimum wage increase ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).
Ayon kay Bitonio, habang wala pang bagong batas na magmamandato ng across-the-board nationwide wage hike, patuloy na magsasagawa ng monitoring ang lahat ng boards sa bawat rehion ang economic conditions, kabilang ang inflation, mga presyo at iba pang kundisyon, bago magtakda ng pagtaas sa sahod.
Matatandaan na hiniling ng labor federation na Trade Union Congress of the Philippines sa pamahalaan na magpatupad ng P200 wage hike nitong nakalipas na buwan ng Marso bunsod ng epekto ng kaguluhan sa Middle East, subalit ang mga petisyon ay kailangan munang pag-aralan ng RTWPB.
Sinabi ni Bitanio na sa ilalim ng kasalukuyang 2025-2026 wage cycle, nagpatupad na ang lahat ng rehion ng wage increase.
Ang susunod na cycle para sa 2026-2027 ay nakatakdang magsimula sa Mayo.
Ipinaliwanag ni Bitanio na inatasan ang RTWPB na tukuyin at magpatupad ng adjustments sa minimum wage rates sa regional level gamit ang tripartite approach.










