
Nilinaw ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na walang naganap na obstruction of justice kaugnay sa naging kilos ni Senate President Alan Peter Cayetano sa pag-aresto kay Senador Jinggoy Estrada.
Ayon kay Castro, hindi maituturing na pagtatago o pagharang sa hustisya ang naging aksyon ni Cayetano sa gitna ng pag-aresto ng mga awtoridad. Aniya, maaaring nais lamang nitong protektahan ang institusyon ng Senado at hindi si Estrada mismo.
Giit pa ng Palasyo, hindi boluntaryong sumuko si Estrada kundi inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group sa Senado.
Samantala, nag-ugat ang tensyon sa pagitan ni Cayetano at Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla matapos igiit ni Cayetano na dapat sana ay pinayagang makalabas muna si Estrada bago isilbi ang warrant of arrest.
Tumugon naman si Remulla na nawala na ang naturang konsiderasyon, at binanggit ang naunang kaso ni Senator Ronald Dela Rosa kung saan pinayagan itong makaalis ng Senado bago isagawa ang pag-aresto.
Inilabas ng Sandiganbayan Fifth Division ang arrest warrants laban kay Estrada at iba pa kaugnay ng kasong plunder at graft na may halagang 573 milyong piso na isinampa ng Office of the Ombudsman.
Mariin namang itinanggi ni Estrada ang mga paratang laban sa kanya.




