Tiniyak ng mga lokal na manufacturer sa Department of Trade and Industry na hindi muna magtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa loob ng susunod na 30 araw.

Ito ay kasunod ng pakikipagpulong ng ahensya sa 21 kumpanya kung saan nagkasundo ang mga ito na panatilihing matatag ang presyo ng kanilang mga produkto sa kabila ng pangamba sa suplay dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.

Kabilang sa mga produktong sakop ng price freeze ang de-latang sardinas, tinapay gaya ng tasty at pandesal, pati na rin ang bottled water, instant noodles, kape, delatang karne, sabon, at kandila.

May ilang kumpanya rin na nagpahayag ng kahandaang palawigin hanggang 60 araw ang hindi pagtataas ng presyo.

Ayon sa DTI, mahalagang mapanatili ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng mga mamimili at ng pagharap ng mga manufacturer sa tumataas na gastos sa produksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Cristina Roque na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa logistics sector upang masubaybayan ang posibleng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan sa supply chain.

Layunin ng pamahalaan na matiyak na mananatiling sapat ang suplay at abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng pagtaas ng gastusin.