Kinumpirma ng pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center na muli silang tatanggap ng ‘walk-in’ para sa mga nais magpabakuna kontra COVID-19.

Bagamat prayoridad ng CVMC na mabakunahan ang mga indibidwal na may comorbidity o may sakit ay sinabi ni CVMC Medical Chief Dr. Glenn Mathew Baggao na tatanggapin pa rin nila ang mga walk in na hindi pa nabakunahan na kabilang sa mga priority group.

Bukod sa mga kabataan edad 12 hanggang 17 ay tuloy-tuloy din aniya ang CVMC sa pagbibigay ng booster dose sa mga healthcare workers na anim na buwan nang nabakunahan ng kanilang 2nd dose.

Matatandaang pumangalawa ang Region 2 sa National Capital Region (NCR) sa mga rehiyon sa bansa na nalampasan na ang 70% target population na mabakunahan kontra COVID-19.

Sa datos ng DOH-RO2, sa target na 70% o 2.5 million population ng ikalawang rehiyon ay nasa 80% na ang nabakunahan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, bahagyang tumaas ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 na nasa pangangalaga ng CVMC.

Ayon kay Baggao, mula sa 35 confirmed case noong nakaraang Linggo ay nadagdagan ito ng 12 para sa kabuuang 47 confirmed cases kung saan 39 dito ay mula sa lalawigan ng Cagayan.