
Muling sinuspindi ng Office of the Ombudsman ang walong board members ng Antique, at ngayon ay sa loob ng isang taon na walang sahod.
Ipinadala ang suspension orders kahapon sa mga tanggapan nina Egidio Elio, Rony Molina, Victor Condez, Alfie Jay Niquia, Mayella Mae Plameras-Ladislao, Plaridel Sanchez IV, Kenneth Dave Gasalao at Julius Cezar Tajanlangit.
Ang suspension ng mga ito ay dahil sa grave abuse of authority, grave misconduct at conduct unbecoming of public officers.
Inaprobahan ni Ombudsman Samuel Martires ang 18 pahinang desisyon na nagsususpindi sa respondents sa kanilang ginawa na pagtanggal sa buget para sa tatlong solar projects na kasama sa proposed P1.075-billion supplemental budget noong 2024.
Ang pag-aproba ay base sa rekomendasyon nina Investigation and Prosecution Officer III Leilani Tagulao-Marquez at Assistant Ombudsman-Proper Pilarita Lapitan.
Nakasaad sa desisyon na ang pagbibigay ng respondents ng zero funding sa tatlong solar projects ay nagpapahina sa kapangyarihan ng local chief executive na ipatupad ang kanyang veto power, na katumbas ng grave abuse of authority at grave misconduct.
Ayon sa Ombudsman, hindi maaaring gamiting katwiran na pagtupad sa kanilang tungkulin ang hindi pagbibigay ng pondo sa solar projects.
Noong August 2024, sinuspindi ng anim na buwan ang mga nasabing board members ng Office of the Ombudsman dahil sa kanilang “deliberate action” na antalain ang P1.07 billion supplemental budget ng nasabing probinsiya.