Huli ang walong indibidwal habang isa ang nakatakas matapos na masangkot sa ilegal na pangingisda sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan.
Ayon kay PCAPT Jessy Alonzo chief of police ng Camalaniugan, ang mga suspect ay pawang mga kalalakihan, nasa legal age at residente sa iisang barangay sa bayan ng Aparri.
Lumalabas sa imbestigasyon na kasalukuyan ang ginagawang pagiikot ng mga otoridad sa Brgy.Afunan Cabayo nang madaanan ang mga suspect kung saan hinintuan pa ng kapulisan ang mga ito ngunit bigla na lamang kumaripas ng takbo ang dalawa dahilan upang sitahin ang mga kalalakihan.
Dito na nakita sa kanilang kuliglig ang siyam na piraso ng electronic rod, 9 piraso ng battery, 9 electro aparratus, 9 plastic containers, 9 flashlight at 40 kg eel o igat.
Aminado naman ang mga nahuling suspect sa kanilang ilegal na gawain at inaming dumadayo ang mga ito dahil marami silang kasamahan sa nasabing lugar na gumagawa ng illegal fishing at ibinebenta ang mga nahuhuling igat sa halagang P150 kada kilo.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan ang mga nakuhang ebidensya habang mahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 10654 o illegal fishing at paggamit ng illegal electro fishing gadget ang mga suspect.