Patay ang walong katao kabilang isang menor de edad matapos na mahulog sa bangin ang dump truck lulan ang 23 pasahero sa Lebak, Sultan Kudarat kahapon.
Ayon sa pulisya, sa kanilang imbestigasyon, dumaan ang mini-dump truck, na patungong Cotabato City mula sa Barangay Poloy-poloy sa bayan ng Lebak sa pakurbadang bahagi ng kalsada sa Barangay Christianuevo kahapon ng hapon.
Pagkarating sa pababa at pakurbadang bahagi ng lansangan, hindi umano gumana ang preno ng sasakyan.
Bumangga ang truck sa isang kongkretong guho mula sa ginagawang road construction at nahulog ito sa bangin.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa kanilang mga katawan ang driver at kanyang mga pasahero.
Agad dinala ang driver at 20 pasahero sa South Upi Municipal Hospital, habang sa hiwalay na pagamutan ang dalawang iba pa.
Subalit walo sa kanila ang idineklarang dead on arrival.
Kabilang sa mga namatay ang 14-anyos.