TUGUEGARAO CITY-Sampung araw umanong walang supply ng tubig sa mga kabayahan sa Aparri, Cagayan.

Sinabi ni Jerc Sinco, mas nakakagalit na walang contingency measure ang Aparri Water District para maibsan ang problema.

Dahil dito, sinabi niya na nakikiigib na lang sila sa may poso sa kanilang lugar.

Kaugnay nito, sinabi ng water concessionaire na Mactan Rock Industries Inc. sa pamamagitan ng text message na ang kawalan ng supply ng tubig ay dahil sa mababang lebel ng tubig sa kanilang pinagkukuhanan na irigasyon.

Dahil dito, himihingi ng pang-unawa ang kumpanya at nangako na inaayos na umano nila ang problema katuwang ang Aparri Water District at National Irrigation Administration.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman sa Aparri Water District, may ginawa na silang pansamantalang hakbang sa problema tulad ng pagbuhay sa mga dating drilled wells na pwedeng pagkunan ng tubig, nakipag-ugnayan sa Lal-lo Water District para kumuha doon ng tubig, sumulat sa Metro Tuguegaro Water District para humiram ng water delivery truck, at sumulat din sila kay Governor Manuel Mamba para magpatulong ng water delivery truck.

May inaasahan din umano sila na loan para sa pagbili ng water delivery truck.

Umapela ang AWD ng sapat na panahon at humihingi din ng pang-unawa.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang AWD sa mga kinauukulang ahensya para pag-aralan ang posibleng paggamit ng Apagonan River bilang source raw ng tubig para matiyak ang tuloy-tuloy na supply ng tubig.