
Nagpadala ng sulat si Tuguegarao Vice Mayor Pastor Ross Resuello sa Metropolitan Tuguegarao Water District (MTWD) upang pormal na idulog ang patuloy at paulit-ulit na reklamo ng mga residente hinggil sa maitim, marumi, at hindi ligtas na suplay ng tubig sa ilang barangay ng Tuguegarao City.
Ang liham ng bise alkalde ay bunsod sumbong ng ilang Tuguegaraoeños sa Sangguniang Panlungsod sa palagian na lamang na maitim at maruming tubig na lumalabas sa mga gripo.
Ayon sa mga consumer, sa kabila ng kanilang regular at napapanahong pagbabayad ng bayarin sa tubig, nananatili at pabalik-balik pa rin ang mga problemang kanilang nararanasan, partikular ang paglabas ng maruming tubig mula sa mga gripo, na nagdudulot ng pangamba sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga pamilya.
Dahil sa dami at patuloy na pagtanggap ng mga reklamong ito, ipinatawag noong nakaraang taon sa isang Regular Session ng konseho si Engr. Miller Tanguilan, General Manager ng MTWD, upang magbigay ng paliwanag hinggil sa kalidad ng suplay ng tubig at sa mga hakbang na isinasagawa ng ahensya upang matugunan ang nasabing mga isyu.
Subalit hanggang ngayon ay nararanasan pa rin ang nasabing problema.
Sa kanyang liham, binigyang-diin ni Vice Mayor Resuello na mahigpit na ipinapatupad ng MTWD ang pagpapataw ng multa sa mga konsyumer na hindi nakakabayad sa itinakdang deadline.
Dahil dito, iginiit niya na makatarungan lamang na panagutin at hingan ng malinaw na paliwanag ang ahensya hinggil sa kalidad, kaligtasan, at pagiging maaasahan ng serbisyong kanilang sinisingil sa publiko.
Ayon pa kay Resuello, nararapat lamang na agarang matugunan ang matagal nang suliranin at mapanagot ang mga may responsibilidad sa pagbibigay ng malinis at ligtas na suplay ng tubig sa lungsod.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng lokal na pamahalaan at ng mga apektadong konsyumer ang opisyal na tugon ng Metropolitan Tuguegarao Water District kaugnay sa naturang liham at sa mga reklamong inilahad.










